Si Juan at ang bulok na sistema

By  ARIES FESARITON


Sa gitna ng kagubatang ang puno ay yaong nagtataasang gusali,
Nangaglisaw taong ang isip ay nabalutan ng poot at dumi
Halakhak ng mga buwaya’t huni ng uhaw ng pulitikong-paniki,
Sa pandinig ng mga taga lungsod; kasawia’t pagkalipol ng lahi!

Ang hangin na iyong naaamoy, hangin na nagbibigay buhay
Ay napalitan ng nakasusulasok na amoy ng kaunlaran
Ang dating sariwa, malinis at birheng kalikasan
Ngayo’y mandaragit at sa atin ay syang papatay!

Tao ang dumungis at sumira sa mismo nyang tirahan
Nagsunog at nagtapon ng mabahong aroma ng kasalukuyan
Iba’t-ibang produkto ng pag-unlad, handog sa may kasiraan,
Tahanang ipinagkatiwala, sisirain na nga ba ng tuluyan?

Ito ang lungsod, ang mundo… ang sanlibutan sa ngayon
Marumi, mabaho, marahas, maninila at gutom na gutom
May ahas na hahalik, traydor! Dulot ay pangkitil na lason,
Sino ang ahas? Kaibigan mong matalik ang ahas na iyon?

Bagamat sadya na ngang Malaya sa kuko ng agila
May panibagong sumulpot; di basta buwaya
Naglipana ang turo at panghikayat ng mga bulaang propeta
Tao ang bihag, napaglaruan, naloko at nabiktima

Marumi na nga ang hangin, pati na ang isipan natin,
Adiksyon sa droga’y matindi, pornograpiya’y uso na rin,
Ang musikang dati’y kay-inam, ngayo’y ugat na ng kasamaan
Mahalay at bastos na mga liriko ang dito’y umiiral!

Anon a ang nangyari sa lupang sinasabing pinagpala?
Nahan na ang matayog nitong pangarap at adhika,
Sistema ng mundo’y wasak na wasak na!
Kalian ka kikilos? Ngunit sandal… kikilos ka ba?